MANILA, Philippines – Aabot sa P3 bilyong halaga ng income ang mawawala sa nasa 2.1 milyong professional drivers taun-taon dahil lamang sa pagkuha ng clerance mula sa NBI at PNP.
Nanawagan si Sen. Ralph Recto sa Land Transportation Office (LTO) na tuluyan ng ibasura ang naturang requirements sa pagkuha at pag-renew ng mga professional driver’s license na pansamantalang sinuspinde lamang matapos igiit sa budget hearing sa Senado dahil pabigat lamang umano ito sa mga professional drivers katulad ng mga tsuper ng dyip, bus at traysikel.
Iginiit ni Recto na dapat magkaroon na lamang ng file sharing ang NBI at pulisya at ibigay ito sa LTO upang magkaroon ng isang “negative list” ng mga wanted criminals.
“Kung may red flag ang pangalan mo, then that’s the time that you get a clearance. This way, only those tagged will have to present evidence to the contrary. Hindi yung dalawang milyong tao ang peperwisyuhin mo sa pagkahaba-habang pila para kumuha ng mga clearances,” ani Recto.
Sa tantiya ni Recto ang bilang ng mga professional drivers na mag-a-apply at mag-re-renew ng kanilang lisensiya sa susunod na taon ay aabot sa 2,180,576.
Ang halaga ng NBI clearance ay P115, at ang isang local police clearance ay P170 bukod pa sa barangay clearance na P50 at Community Tax Certificate na P20.
Humihingi rin ang PNP ng dalawang ID photos ng aplikante na kalimitang nagkakahalaga ng P60.
“If you add all of this, it will come up to P415. You multiply this with the number of professional drivers, you get almost P1 billion – just on fees alone,” ani Recto.