US President Barack Obama nasa Pinas na

Ito ang ikalawang beses ni US President Barack Obama sa Pilipinas. Philstar.com/Efigenio Toledo IV

MANILA, Philippines – Dumating na sa bansa si United States President Barack Obama ngayong Martes ng umaga para sa Asia-Pacific Economic Cooperation summit ngayong linggo.

Lumapag ang Air Force One ng US sa Ninoy Aquino International Airport Balagbag Ramp Area pasado alas-11 ng umaga.

Sinalubong si Obama nina US Ambassador Philip Goldberg, Philippine Ambassador to the US Jose Cuisia at Secretary of Department of National Defense Voltaire Gazmin.

BASAHIN: US Navy destroyer nasa bansa para sa APEC summit

Dumiretso sa Pilipinas si Obama matapos magtungo sa G-20 Leaders’ Summit sa Antalya, Turkey.

Ito ang ikalawang beses ni Obama sa bansa kasunod ng kaniyang dalawang araw na state visit noong Abril 28, 2014.

Noong kanilang pagpupulong ni Pangulong Benigno Aquino III ay nilagdaan nila ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Layunin ng EDCA na makapagkampo ang US military sa mga pangunahing kampo ng Armed Forces of the Philippines sa loob ng 10 taon.

Kasalukuyang kinukuwestiyon ang EDCA sa Korte Suprema.

Show comments