MANILA, Philippines – Upang matiyak ang seguridad, sinuspinde ng Philippine National Police ngayong Biyernes ng "Permits to Carry Firearms Outside of Residence" (PTCFOR) sa Metro Manila sa susunod na linggo kasabay ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit 2015 Leaders’ Meeting.
Sinabi ni PNP Chief Director General Ricardo C Marquez na bahagi ang suspensyon na ipatutupad mula Nobyembre 16 hanggang 20 ng kanilang pagtitiyak ng seguridad sa Metro Manila sa pagdating ng iba’t ibang pinuno ng mga bansa.
“Only the members of the PNP, Armed Forces of the Philippines, and other Law Enforcement Agencies who are performing official duties and in agency-prescribed uniforms will be allowed to carry firearms," pahayag ni Marquez.
BASAHIN: Pagpapaalis sa informal settlers sa APEC lanes para sa seguridad
Nagbabala si Marquez sa kasong kriminal na isasampa sa mga mahuhuling may dalang baril.
Ang sinumang mahuhuli ay makukulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at magbabayad ng P10,000 multa at suspensyon ng permit to carry, alinsunod sa Section 30 ng R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Higit 1,000 pulis ang magtitiyak ng seguridad sa mga pagdarausan ng APEC summit, kung saan malaking bahagi nito ay itatalaga sa Mall of Asia (MOA) sa Pasay City.
BASAHIN: Binay sasalubungin ang Mexico at Chile presidents sa APEC summit
Samantala, 842 miyembro ng Highway Patrol Group naman ang nakatalaga sa pag-convoy ng mga delegad.
Sinabi ni Ambassador Marciano Paynor Jr., hepe ng organizing committee sa Asia-Pacific Economic Council na ang seguridad ng mga delegado ang pinakatinututukan nila.
Aniya naglaan ang gobyerno ng P9.5-bilyon na pondo para lamang dito.