MANILA, Philippines - Tinawag ni senatoriable Atty. Francis Tolentino na isa nang “national emergency” ang “tanim o laglag-bala extortion racket” sa NAIA at sa ibang paliparan.
“What is at stake here is our integrity and reputation as a country. This controversy has snowballed and our authorities should act swiftly,” ani Tolentino kasabay ng pagsasabi na lubhang mabagal ang aksyon ng pamahalaan sa naturang isyu.
Nakakapangamba umano ang posibleng negatibong epektong idudulot ng kontrobersya sa turismo ng Pilipinas kung patuloy na hindi magagawan ng tamang aksyon ito ng gobyerno.
Sinasabi na modus ng sindikato na nasa likod ng “tanim bala” ang pagtatanim ng bala sa mga bagahe ng mga turista at OFWs at hihingan ng pera kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso laban sa kanila at payagang makabiyahe.
Kabilang sa kanyang panukala ang pagbalasa sa mga airport officials habang isinasagawa ang mga imbestigasyon.
Dapat ring magdagdag pa ng mga CCTV cameras sa loob at labas ng mga paliparan upang ganap na namomonitor ang lahat ng nangyayari sa mga pasahero at airport officials at empleyado.
Dapat ding amiyendahan na ang Firearms Law. Hindi umano tama ang 12 taong pagkakulong na parusa para sa mahuhulihan ng paisa-isang bala.