MANILA, Philippines - Nakaiskor ang suspendidong si Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay Jr. sa desisyon ng Supreme Court kahapon na nagpapatibay sa kapangyarihan ng Court of Appeals sa mga kasong may kinalaman sa mga kautusan at desisyon ng Office of the Ombudsman.
Batay sa desisyong ito ng Supreme Court, balido ang temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction (WI) na ipinalabas ng CA na pumipigil sa pagpapatupad ng unang preventive suspension na ipinalabas ng Ombudsman laban kay Binay.
Ang desisyon ng Mataas na Hukuman na isinulat ni Justice Estela M. Perlas Bernabe ay nagbabasura sa petisyon ni Ombudsman Conchita Morales laban sa TRO at WPI ng CA.
Wala pang nakukuhang kopya ng desisyon pero ang kaso ni Binay ay lumaki mula lang sa suspension dahil inutos ni Morales ang pagtanggal sa kanya bilang alkalde at ang habambuhay na diskuwalipikasyon sa kanya sa paghawak ng posisyon sa pamahalaan.
Humingi si Binay ng reconsideration sa desisyon ni Morales na tanggalin siya sa puwesto.
Sa naturang desisyon din ng SC, inutos nitong abandonahin ang tinatawag na 1959 “condonation” doctrine na kilala rin bilang “Aguinaldo doctrine” na nagpapawalang-sala sa isang halal na opisyal ng pamahalaan sa mga nauna niyang pananagutang administratibo nang muli siyang mahalal sa kahalintulad na posisyon.
Pero ipinahiwatig ng SC na epektibo lang ang condonation doctrine kapag naging final at executory ang desisyon.
Kaya, tulad ng sinasabi ni Binay, saklaw pa siya ng condonation doctrine sa mga kasong ibinabato sa kanya kaugnay sa mga iregularidad na nagbunsod ng pagsasampa ng kasong administratibo.
Ginamit ni Binay ang nasabing doctrine nang kuwestiyunin nito ang preventive suspension order na inilabas ng Ombudsman.
Paliwanag ni Binay na hindi pa siya ang alkalde ng Makati sa sinasabing una at ikalawang anomalya habang ang ikatlo at ikaapat na bahagi ng proyekto ay isinagawa mula 2010 hanggang 2013.
Ibinunyag din ng SC source na binibigyan ng kapangyarihan ng SC ang CA na muling pag-aralan at ipatigil ang administrative order ng Ombudsman laban kay Binay at iba pang opisyal.