MANILA, Philippines – Dinipensahan ng Malacañang ngayong Martes si Pangulong Benigno Aquino III sa hindi pagdalo sa ikalawang taon ng anibersaryo ng bagyong Yolanda sa Tacloban City.
Nilinaw ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na hindi inimbitahan ng lokal na pamahalaan ng Tacloban si Aquino nitong kamakalawa.
"Tsinek po natin sa Appointments Office, at ayon po sa impormasyon na natanggap natin ay hindi naman nakatanggap ng kahit anong imbitasyon diyan sa event na tinutukoy natin," wika ni Coloma sa isang panayam sa radyo.
"Ganunpaman, ang mahalaga para sa ating pangulo ay iyong pagtutok doon sa mga nakalatag na na rehabilitation at reconstruction programs," dagdag niya.
Sa kabila nito ay tiniyak ni Coloma na patuloy ang pagtutok ng gobyerno sa pagsasaayos sa mga nasalanta ni Yolanda na hindi bababasa 7,000 katao ang nasawi.
Sinabi ni Leyte Rep. Martin Romualdez na inimbitahan nila sina Aquino at dating Interior secretary Mar Roxas ngunit hindi sila nakatanggap ng sagot, ayon sa ulat ng CNN Philippines.
Binatikos si Aquino sa pagdalo sa kasalan ng anak ni business tycoon Adrew Tan sa Pasay City.
Sa kabila nito ay nag-alay naman ng panalangin si Aquino sa mga biktima ng bagyo.
"We pause in prayer for the loved ones we lost, and pay tribute to the soldiers and civilians who placed themselves in danger to help their fellow man," pahayag ng Pangulo.
"May the memory and lessons of that time inspire us to persevere in building back better, and in living up to the solidarity, resilience, and generosity of Filipinos from all walks of life demonstrated not only then, but in all times of challenge and adversity," dagdag niya.
Samantala, dumalo naman sa Tacloban sina United Nationalist Alliance bets Bise Presidente Jejomar Binay, running mate niyang si Sen. Gringo Honasan at ang kanilang senatorial slate.
Nagpasalamat at humingi naman ng tawad si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez sa administrasyong Aquino.
"We would like to thank the president, in behalf of the city government of Tacloban, sa lahat ng tulong niya sa mga Taclobanons during our desperate moments. I apologize na minsan nga nakakapagsalita kami ng maaanghang na salita, sapagkat kami ay tao lamang at dahil kami ay nasaktan," wika ni Romualdez.