MANILA, Philippines – Bilang solusyon sa lumulubhang problema sa trapiko, ipinanukala kahapon ni Rep. Leni Robredo ang pagkakaroon ng epektibo at mabisang mass transport system sa Metro Manila.
“Ang Metro Manila, kailangan ng efficient mass transport system. Iyon naman ang pinaka-sikreto ng lahat ng lugar,” wika ni Robredo.
Kabilang sa mga sinasabi ni Robredo ang magandang serbisyo ng MRT, LRT, pati na rin ng Philippine National Railways (PNR).
Kilala si Robredo na sumasakay ng pampublikong bus sa pauwi sa kanyang bayan sa Naga at pagbalik sa Maynila.
Wala mang problema sa kanya ang pagsakay ng bus, iginiit naman ni Robredo ang pangangailangan na maglagay ng diversion road gaya ng NLEX o SLEX na mas magpapadali ng biyahe sa katimugang bahagi ng Luzon.
“Iyong papunta sa amin, sana magkaroon ng diversion road. Ang pauwi sa amin, kaya tumatagal ang biyahe dahil dumadaan kami sa lahat ng munisipyo ng Quezon at ibang munisipyo ng Laguna,” wika ni Robredo.
“Tuwing Mayo kapag maraming piyesta, umaabot ang biyahe ng 16 hours,” dagdag niya.
Nakita ni Leni ang ginhawa ng pagkakaroon ng diversiotn road nang bumiyahe siya patungong La Union kamakailan, kung saan dumaan sila sa NLEX, SCTEX at TPLEX.