MANILA, Philippines – “Papanagutin ang mga abusado at huwag ipahamak ang mga walang kasalanan”.
Ito ang mariing pahayag ni senatorial candidate Francis Tolentino kaugnay sa mainit na isyu ng “tanim o laglag bala” sa NAIA.
Hinikayat ni Tolentino ang mga awtoridad na kasabay ng isinasagawang pagsisiyasat ay dapat munang balasahin ang mga taong isinasangkot sa modus.
“Para hindi mabigyang kulay, alisin muna lahat ng mga isinasangkot, i-reshuffle muna ang mga naka-assign sa area, ilipat sa ibang paliparan,” saad ni Tolentino sa panayam ng DZXL-RMN station.
Iginiit din ni Tolentino ang paglalagay ng maraming CCTV camera sa paligid ng paliparan upang ma-monitor ang galaw ng lahat ng tao.
“Tadtarin natin ng cctv yung loob at labas upang may recording sa mga pangyayari,” dagdag ng dating MMDA chairman.
Sa long term solution, iginiit ni Tolentino na napapanahon na rin upang amyendahan ang Firearms Law.
“Mataas ang 12 years imprisonment para sa nahulihan ng bala e kaya nasasamantala rin. Dapat nang baguhin ang batas,”saad ni Tolentino. “Dapat maging matigas ang mga awtoridad sa pagpaparusa sa mga may kasalanan pero dapat ding tiyakin na hindi mapapahamak ang mga inosente,” dagdag pa nito.