MANILA, Philippines – Tinukoy ni Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles na si Manila International Airport Authority General Manager Jose Angel Honrado ang ugat umano ng problema sa tanim o laglag-bala sa Ninoy Aquino International Airport.
Idiniin ni Nograles na, sa halip na magpalusot o mag-imbento ng mga dahilan tungkol sa isyung ‘tanim o laglag bala’ scandal ang mga opisyal sa NAIA na nagdulot ng malaking kahihiyan sa buong bansa, kailangan magtalaga si Pangulong Aquino ng mga taong may kakayahan at mapagkakatiwalaan para matapos na ang usaping ito.
“Ang problema sa NAIA ay bunga ng kapabayaan at kawalan ng kakayahan. Pinakaugat ng problema sa laglag-bala si Honrado,” wika ni Nograles na tagapangulo ng labor committee ng House of Representatives.
Sinabi pa ni Nograles na ang ‘tanim-bala’ ay isa sa magiging isyu laban sa administrasyon ni Aquino sa eleksyon kaya naman tatamaan dito ang kandidatura ni Mar Roxas at kasamahan nito sa partido.
‘Marami pang nangyaring problema sa airport na naging dahilan para bansagan ang NAIA bilang ‘world’s worst airport’ sa panahon ni Honrado bilang MIAA general manager. Nababawi na sana ito pero dahil sa kapabayaan ni Honrado at hindi agad pag-aksyon sa problemang ‘tanim - bala’ sa NAIA naging dahilan tuloy ito para matakot ang mga pasahero dito at maging mga banyaga.’ sabi pa ni Nograles.
Hinamon ni Nograles, si Pangulong Aquino at DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya na magsagawa ng survey sa paliparan para masukat ang kredibilidad at kakayahan ni Honrado bilang pinakamataas na opisyal sa MIAA.