MANILA, Philippines – Parehong negatibo ang resulta ng dalawang DNA tests na pinagdaanan ni Sen. Grace Poe at ng mga nagpakilalang posible niyang kamag-anak.
Sa panayam kahapon ng DZMM kay Poe, sinabi nito na lahat ng resulta ng isinagawang DNA test ay puro negatibo.
Sumailalim sa DNA testing si Poe at mga hindi pinangalanang indibiduwal na lumapit sa kanya sa hinalang kamag-anak nila ang senadora na hindi pa rin nakikilala ang biological parents.
Kabilang sa mga isyung kinakaharap ngayon ni Poe ang kanyang pagiging “natural born citizen” na isa sa mga requirements upang makatakbong pangulo ng bansa.
Muling tumanggi si Poe na kilalanin kung sino ang mga indibiduwal na sumailalim rin sa DNA testing upang mabigyan ng proteksiyon ang privacy ng mga ito.
Samantala, inihayag din ni Poe na nakahanda ang kanyang asawang si Teodoro Llamanzares na i-renounced ang kanyang American citizenship matapos itong gawing isyu sa pagkandidato ni Poe.
Nilinaw din ni Poe na mahabang proseso ang pag-renounce ng American citizenship dahil kinakailangan pang i-report ang statement of assets and liabilities sa nakaraang limang taon.
Ipapaubaya naman umano ni Poe sa kanyang panganay na anak na si Bryan, 23, ang desisyon kung nanaisin nitong talikuran ang kanyang US citizenship.