PNP men binalaan ni Marquez

Philippine National Police Chief P/Director General Ricardo Marquez. STAR file photo/Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines – Binalaan kahapon ni Philippine National Police Chief P/Director General Ricardo Marquez ang mga tauhan nito laban sa nabuking na talamak na tanim-bala scam sa Ninoy Aquino International Airport.

Ito’y sa gitna na rin ng pagkakasangkot ng ilang mga tiwaling opisyal at miyembro ng Office of Transportation Security (OTS) sa NAIA sa laglag-bala scam o ang pagtatanim ng bala sa mga maleta ng mga pasahero ng eroplano na hinihingan ng malaking halaga para hindi sampahan ng kaso.

Dahil dito, binalaan ni Marquez ang mga opisyal at tauhan ng PNP Aviation Security Group sa pamumuno ni Chief Supt. Francisco Balagtas na  huwag makiki­pagsabwatan sa sindikato ng tanim-bala.

Pinaalalahanan ni Marquez ang PNP-ASG na kabilang sa nangangalaga sa seguridad sa NAIA  na maging propesyunal at gawing tama ang kanilang mga trabaho.

Nilinaw naman ni Marquez na hindi trabaho ng PNP-ASG ang pag-iinspeksyon ng mga bagahe ng mga pasahero dahil OTS ang nangangasiwa dito at ang kaniyang mga tauhan ay sa seguridad lamang ng paliparan.

 

Show comments