MANILA, Philippines — Binalaan ni Davao City Mayor Rodrigo "Rody" Duterte kahapon ang nasa likod ng umano’y “tanim bala” sa mga paliparan ng bansa partikular sa Ninoy Aquino International Airport.
“I don't have the ambition to become the president, but if I am the president, I will let you swallow those bullets even if it means death," pahayag ni Duterte sa kaniyang lingguhang palabas sa telebisyon na "Gikan sa Masa, Para sa Masa."
Ilang mga Pilipino at dayuhan na ang nabiktima na umano ng modus operandi sa paliparan kung saan hinuhuli ang mga pasaherong nakikitaan ng bala sa kani-kanilang mga bagahe.
Itinanggi ng mga akusado ang paratang at iginiit na inilagay lamang sa kanilang bag ang mga bala.
BASAHIN: 4 senador ikinalungkot ang ‘tanim bala’ vs OFW sa NAIA
Nitong Biyernes lamang ay umabot na rin sa nasasakupan ni Duterte ang insidente, kung saan isang engineer ang nahulihan ng bala sa Davao International Airport.
Sa tingin ng alkalde ay isang sindikato na kabilang ang mga kawani ng paliparan ang nasa likod ng tanim bala.
"'Yung mga empleyado in cahoots with the police," banggit ni Duterte. "This is what really makes up our country, pera-pera lang sa droga, protektado sa lahat."
Aniya, ang mga pulis sa Metro Manila ay nasusuhulan, kaya naman binalaan niya ang mga ito.
"That's why we have so much trouble here now... if it's here in Davao then I will kill you. If I'd become a president then you will be over," sabi pa ng alkalde. "I will order your execution within 24 hours.”
Kilala ang Davao City na maayos na lugar dahil sa disiplina ng mga tao sa lugar at dahil na rin sa striktong pagpapatupad ni Duterte ng batas.