MANILA, Philippines – Umabot na kahapon sa mahigit 30,000 ang dumagsa sa Manila North cemetery at Manila South cemetery kahit bisperas pa lamang ng All Saints Day kahapon at dalawang araw pa bago ang mismong All Souls Day.
Sinabi ni Manila Polie District-station 3 commander P/Supt. Jackson Tuliao na hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay maayos at mapayapa pa naman sa kanilang nasasakupan lalo na sa palibot at loob ng Manila North cemetery.
Naiulat lamang umano ang pagkumpiska ng kaniyang mga tauhan sa isang grupo ng kalalakihan na may bitbit na hagdang kahoy na ikinakabit sa pader ng nasabing sementeryo malapit sa Tagaytay St., sa gilid ng A. Bonifacio Avenue, na ginagawang daanan papasok, subalit may bayad na barya mula P5.00 pataas sa bawat aakyat sa hagdan.
Sa main gate ng sementeryo ay nakahanda ang mga name tag na sinusulatan ng pangalan ng mga batang dumadalaw sa loob, at contact numbers ng kanilang mga magulang o guardians upang mawala man ay madaling matatagpuan.
Sinamantala naman ng mga manininda ng pagkain, kandila, bulaklak at iba’t-ibang uri ng panindang laruan, damit partikular na nakatawag ng pansin ang mga t-shirt ng AlDub na may presyong P100 hanggang P180 ang pang-adult habang P75 ang pambata.
Umabot na sa higit 20,000 ang bumisita sa North habang sa South ay humigit kumulang sa 10,000
Kabilang sa hinigpitan ang pagpapasok ng mga sandata o matatalim na bagay na maaring makamatay, alak, loud speakers habang mahigpit naman ang pagpapatupad ng mga administrator ng sementeryo ng ‘anti-epal rule’ o bawal na magsabit ng mga karatula, poster o tarpaulin ng mga tumatakbong pulitiko.
Inaasahan naman ang pagdagsa ng mga tao ngayong araw.