MANILA, Philippines – Tiniyak ni Sen. Cynthia Villar na nananatili siyang nakatutok sa mga problema at isyu na hadlang sa paglago ng sektor ng agrikultura at mas lalo pang nagpapahirap sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa kanyang pahayag sa Training and Workshop tungkol sa “Strategic Management in Agricultural Development for Poverty Reduction,” siniguro ni Villar na nananatili siyang committed para mapabuti ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda na nasa pinakamahirap na sektor. Prayoridad din niya ang suporta sa mas malawak na edukasyon at pagsasanay sa ating mga magsasaka, mangingisda at ang kanilang pamilya at mga anak.
Iginiit niya na ang ating maliliit na magsasaka at mangingisda ay kinakailangang matuto at makakuha ng kaalaman at istratehiya. Aniya, ang patuloy na edukasyon ang susi rito.
Sa kabila ng kahalagahan sa pagkakaroon ng edukasyon at pagsasanay lalo na sa mahihirap na pamilyang nasa pagsasaka, batid din niya ang kawalan ng pondo at resources.
Ipinahayag din ng Nacionalista Party senator na isinulong niya sa Senado ang pagbibigay ng TESDA scholarships sa pagsasanay sa agrikultura.
Sa pamamagitan ng mga ibibigay na kurso, magkakaroon ang mga magsasaka ng basic knowhow gaya ng operation at maintenance ng modern machineries na mahalaga sa pagsisikap ng pamahalaan sa farm mechanization.