MANILA, Philippines – Muling nakasama ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo ang mga magsasaka mula Sumilao, walong taon matapos ang makasaysayang 1,700-kilometrong paglalakad mula Bukidnon patungong Manila upang hilingin ang pagpapatigil ng conversion ng 147 hektaryang lupain sa lalawigan.
Bilang kasapi ng non-government organization na SALIGAN, kasama si Robredo sa mga nagbigay ng libreng tulong legal sa 55 magsasaka sa kanilang matagumpay na pakikipaglaban para sa kanilang lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Maliban dito, sinalubong at kinausap din nina Robredo at ng yumaong asawa na si Jesse, na noo’y alkalde ng Naga City, ang mga magsasaka nang dumaan ang mga ito sa siyudad noong November 2007.
Noong Sabado (October 24), sumakay ng karetela na hila ng kalabaw si Robredo para bisitahin at kausapin ang mga magsasaka at kanilang mga pamilya, na nagpahayag naman ng suporta sa pagtakbo niya bilang bise presidente.
Ipinabatid ng mga magsasaka na gumanda na ang kanilang buhay ngayong pag-aari na nila ang lupang sinasaka.
Sa tulong ng Panaw Sumilao Multi-Purpose Cooperative (PSMPC), ilan sa mga magsasaka ay may sarili nang tricycle habang ang kooperatiba naman ay mayroon nang forward truck, elf cargo at multi-cab.
Ayon kay Yoyong Merida, founding chairman ng kooperatiba, malaking papel ang ginampanan ng mga Robredo sa kanilang laban para sa nasabing lupain.
Bago naging kinatawan ng 3rd District ng Camarines Sur, nagbibigay si Robredo ng libreng tulong legal sa mahihirap, lalo na sa mga magsasaka.