MANILA, Philippines – Umapela kahapon si Sen. Bongbong Marcos sa kanyang mga kapwa kandidato sa 2016 elections na huwag nang matuksong gumamit ng laos na taktika ng smear campaign at isentro ang kanilang kampanya sa mga isyu ng bayan.
Ayon kay Marcos, tungkulin ng mga kandidato na itaas ang diskusyon kaugnay sa mga problemang kinakaharap ng bansa tulad ng droga, mataas na presyo ng bilihin, kriminalidad at kung papano ito tutugunan.
Sinuman aniyang kandidato na gumamit ng patraydor na paninira sa kanyang mga kalaban ay hindi nakakatulong sa ating mga kababayan na naghahanap ng solusyon sa kanilang mga problema.
“Maaring natutuwa ang iba sa batuhan ng putik pero wala itong maitutulong sa atin,” pagdidiin ni Marcos.
Kamakailan ay kumalat ang mga text messages ng paninira sa mga kandidato. Kabilang na sa biktima ng ganitong black propaganda sina Sen. Miriam Defensor-Santiago na tatakbo bilang Presidente at Sen. Marcos na pinili ng senadorang kapartner bilang bise presidente.
Pero ayon kay Marcos, kahit pa pinutakte siya ng ganitong atake hindi siya gaganti kundi mangangampanya sa patas na paraan at nakatutok sa mga isyu.