MANILA, Philippines – Nangako si re-electionist senator Richard “Dick” Gordon na sisiguruhin niyang matatanggap ng mga government nurses ang tamang sahod na nararapat ibigay sa kanila at nakasaad sa batas na ipinasa may 13 taon na ang nakalilipas.
Personal din niyang bubusisiin at kung kinakailangan ay amyendahan ang 2017 budget para sa Department of Health sa Senado upang maipatupad ito ng tama.
Sa kanyang speech sa Philippine Nurses’ Association (PNA) national convention sa Davao na dinaluhan ng nasa 1,000 PNA officials at nurses mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, sinabi ni Gordon na ang entry level salary ng mga nurses na nagtatrabaho sa gobyerno ay nananatiling nasa salary grade 11, na katumbas sa buwanang sahod na P18,549.00.
Taliwas ito sa isinasaad sa Republic Act No. 9173 o ang Philippine Nursing Act for 2002 na ang minimum base pay ng mga nurses na nagtatrabaho sa public health institutions ay hindi bababa sa salary grade 15.
Ayon kay Gordon, malinaw na sinasabi sa batas na dapat ibigay ng gobyerno sa mga nurses ang entry level salary na P24,887.00. Ngunit, dahil hindi pa ito naipapatupad pagkatapos ng 13 taon, mga nurses ang may pinakamababang sahod sa mga government workers sa bansa.
Dahil hindi naipatupad ang nasabing batas, maging ang mga nurse sa pribadong sektor ay kabilang sa may pinakamababang sahod na empleyado sa bansa. Ilan sa mga ito na kinukuha sa pamamagitan ng sinasabing job order system ay tumatanggap lamang ng P5,000 kada buwan.
Sinabi pa ni Gordon na ang mga Filipino nurses ang isa sa pinakamagaling at madalas na hinahanap sa ibang bansa kung saan marami sa mga ito ang nagtatrabaho dala na rin sa mababang sahod sa Pilipinas.
Noong 14th Congress, pinasimulan ni Gordon ang pagbibigay proteksyon sa kanilang karapatan nang pangunahan nito ang imbestigasyon sa mga fly-by-night nursing schools noong 14th Congress.