MANILA, Philippines – Sinuportahan ni Valenzuela Congressman Win Gatchalian ang kahilingan ng Philippine National Police na karagdagang badyet na ipambibili ng kailangang mga kagamitan ng mga pulis sa panahon ng mga sakuna at kalamidad.
Sinang-ayunan ni Gatchalian ang obserbasyon ni PNP Director General Ricardo Marquez na, bagaman pangunahing misyon ng PNP ang pagsawata at paglutas ng mga krimen, ang mga pulis ang unang tumutugon sa panahon ng mga kalamidad.
“Nararapat lamang na maglaan ang Department of Budget and Management ng kaukulang badyet para makabili ang PNP ng mga kagamitan para sa epektibong pagresponde sa mga kalamidad,” sabi pa ni Gatchalian na kasapi ng Nationalist People’s Coalition.
Ginunita ni Gatchalian na, sa kasagsagan noon ng bagyong Yolanda, ang mga pulis sa Eastern Visayas (Region 8) ang unang nagresponde sa sitwasyon dahil nakaistasyon sila sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo may dalawang taon na ang nakakaraan.
Idinagdag ng mambabatas na, dahil sa aral na natutunan sa bagyong Yolanda, dapat humingi noon ng dagdag na badyet ang Department of Interior and Local Government sa DBM para sa pagbili ng mga kailangang kagamitan ng PNP sa pagtugon sa mga kalamidad.
“Merong administratibong superbisyon ang DILG sa PNP kaya, batay sa aral sa Yolanda at sa mga sumunod na bagyo, laging ang mga pulis ang nasa frontline ng rescue at response operation sa mga lugar na sinalanta ng bagyo,” paliwanag ng kongresista.
Umaasa si Gatchalian na ipupursige ni DILG Secretary Mel Senen Sarmiento ang dagdag na badyet ng PNP para sa human and disaster response (HADR) component katulad ng sa badyet ng Armed Forces of the Philippines.