MANILA, Philippines – Mismong Malacañang na ang nanawagan kahapon sa mga botante na wala pang biometrics na huwag ng hintayin ang deadline upang matiyak na makakaboto sila sa eleksiyon sa susunod na taon.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi na dapat hintayin ang araw ng deadline na itinakda sa Oktubre 31 para magpakuha ng biometrics.
Nanawagan pa si Valte na samantalahin ang huling linggo ng rehistrasyon ng mga bagong botante at maging ng mga lumipat ng lugar upang hindi maaksaya ang tiyansa na makaboto.
Hindi papayagan ng Comelec na makaboto ang mga hindi nakunan ng biometrics kung saan kinukunan ng larawan, fingerprints at signature ang mga botante.
Nabatid na maglalaan ng tripleng oras ang Commission on Election sa huling araw ng pagba-biometrics kung saan inaasahang dadagsa ang mga botante.
Layunin ng biometrics na tuluyang mawala ang dayaan sa eleksiyon maging ang mga flying voters sa mga Barangay, Local at National Elections.