MANILA, Philippines – Simula Nobyembre ay ipatutupad ng Land Transportation Office ang bagong patakaran at guidelines sa pag-iisyu ng drivers license para sa professional, non-professional, student permit at conductor’s license.
Sa ilalim ng revised rules, ang LTO ay hindi na magbibigay ng lectures at seminars bago ang written at practical examinations kundi bibigyan na lang ang mga aplikante ng reviewers.
Ang mga holder ng student’s permit ay bibigyan ng reviewers na nasa mga tanggapan ng LTO at maging sa online ng DOTC at LTO websites.
Ang mga babagsak sa basic driving theory at practical driving tests ng dalawang beses ay hindi na papayagan na mag-reapply ng lisensiya sa loob ng isang taon at ang mga babagsak naman sa tests sa ikatlong beses ay hindi papayagan na makapag-apply ng drivers license sa loob ng dalawang taon.
Mula 16 years old, gagawin ng 17 years old ang papayagan na makakuha ng student permit at sa non-pro license ay 18 years old mula sa dating 17 years old.
Ang mga mag-aaply ng professional driver’s license ay kailangang may valid student driver’s permit sa loob ng anim na buwan mula sa dating 5 buwan.
Ang mga aplikante na kukuha ng professional driver’s license ay hindi iisyuhan ng lisensiya kung may dalawang huli ng reckless driving.
Ang LTO ay tatanggap lamang ng medical certificate na inisyu ng isang licensed at practicing physician at hindi na kailangan pang mai-certify ng isang doctor na nakatalaga sa LTO office. Sa pamamagitan nito ang mga aplikante ay maari nang makapagpa-examine sa kanilang sariling doctor na mas convenient sa aplikante.