MANILA, Philippines - Tinutulan ng prosekusyon ang hiling ni detained Sen. Bong Revilla na makapunta sa pagdiriwang ng 18th birthday party ng anak nitong babae sa Sabado ng gabi, Okt. 24, 2015.
Nakasaad sa mosyon ni Revilla na upang maisagawa ang obligasyon bilang ama, nais nitong makadalo sa kaarawan ng anak na si Ma. Fraznel Loudette Bautista sa Bellevue Hotel sa Alabang, Muntinlupa mula alas-7 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi.
Sa pagbusisi ng Sandiganbayan First Division sa mosyon ni Revilla sinabi ni lead prosecutor Joefferson Toribio na hindi dapat payagan ang hiling ng una dahil sa kakulangan ng merito.
Kapag pinagbigyan umano ang gusto ni Revilla ay lilikha lamang ito ng haka-haka sa publiko na mayroong bilanggo na pinapaboran dahil sa isa itong mambabatas.
Si Revilla ay patuloy na nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, QC kasama si detained Sen. Jinggoy Estrada dahil sa kasong graft at plunder na may kinalaman sa pork barrel scam.