MANILA, Philippines - Mariing tinutulan ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang panukala na itaas ang sweldo ng Pangulo mula P120,000 sa P400,000 kada buwan.
Ang nasabing salary increase ay iminungkahi ni Budget Secretary Butch Abad na nagsabing ang sahod ng mga nasa higher grades sa gobyerno ay malayo sa market salary.
Habang ang nasa lower salary grades ay halos kapantay na ng kanilang counterparts sa pribadong sektor.
Subalit ayon kay Zarate, ang panukala ni Abad ay lalo lamang maglalayo sa sweldo ng mga nasa matataas na posisyon at rank and file employees.
Napakalaki na ng gap hindi lang sa sahod kundi maging sa benepisyo at iba pang perks ng mga opisyal at ordinaryong manggagawa sa gobyerno.
Giit pa nito, hindi ang matataas na opisyal ang may kailangan ng umento sa sahod at dagdag na benepisyo kundi ang libo-libong kawani na ang karamihan ay contractual at job order personnel.
Partikular na tinukoy ng mambabatas ang mga government nurses at doctors na dapat bigyan ni Abad ng mas mataas na sweldo.
Nabatid na ang minimum wage ng isang manggagawa ay P481 kada araw o P9,260 kada buwan. (Gemma Garcia/Butch Quejada)