MANILA, Philippines – Nanawagan si Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat sa gobyerno na isailalim sa state of calamity ang buong Cordillera Administrative Region (CAR) para mapabilis ang pagtulong at serbisyo upang makabangon sa lalong madaling panahon ang probinsiya matapos windangin ito ng bagyong Lando.
Nagpapasalamat si Baguilat dahil sa maagap na mga abiso ng disaster risk reduction and management groups, kaunti lang ang nasawi kay Lando pero malaking bahagi ng mga ari-arian at pananim ang winasak nito partikular ang rice terraces.
Nakadepende pa naman umano ang kabuhayan ng halos lahat ng residente ng Ifugao sa agrikultura kaya malaking dagok sa mga ito ang pagkasira ng kanilang pananim lalo na ang rice terraces.
“We are still assessing the damage, but this early, we are calling for help, not just for Ifugao but for the other provinces in CAR,” sabi ni Baguilat.
Inamin din ni Baguilat na kakailanganin hindi lang ng Ifugao kundi ng iba pang lalawigan sa CAR ang tulong ng national governmen para agarang makabangon sa epekto ng kalamidad.