MANILA, Philippines – Kinuwestyon ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang umano’y pangangampanya ni DSWD Sec. Dinky Soliman para sa mga kandidato ng Liberal Party (LP) habang nananalasa ang bagyong Lando sa Luzon.
Ayon kay Atty. Rico Quicho, vice presidential spokesperson for political affairs, hindi dapat gamitin ni Soliman ang DSWD at programa nito para sa pamumulitika at sa kapakanan ng mga kandidato sa 2016 elections.
Binigyang-diin ni Quicho na trabaho ng DSWD na tulungan ang mga mamamayan na biktima o naapektuhan ng matinding kalamidad tulad ng pagbaha, landslide at pagkasira ng kanilang mga kabahayan.
“Imbes na tinutulungan ni Sec. Dinky Soliman ang mga kababayan nating sinalanta ni bagyong Lando e busy siya sa pagkakampanya para sa mga manok ng Liberal Party,” diin ni Quicho.
Nabatid na sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Lando nitong Sabado, nasa Koronadal, South Cotabato ng nasabi ring araw si Soliman upang dumalo sa pagtitipon ng mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno.
Kasama ni Soliman ang mga pambato ng LP sa presidente at bise presidente na nagsalita rin sa harap ng may 5,000 recipients ng 4Ps mula Central Mindanao.
Giit ni Quicho, dapat pinangungunahan si Soliman ang pagsisikap ng pamahalaan na tulungan at mabawasan ang impact ng bagyo sa mga apektadong lugar. Siya dapat umano ang nangunguna sa frontlines para sa relief at recovery ng mga kababayang naapektuhan ni Lando.
“She is not doing that. She is instead leading the campaign of the LP bets,” dagdag ni Quicho.