MANILA, Philippines – Minaliit ng isang presidential aspirant na maging running mate si Senator Francis Escudero dahil sa umano’y malas na makikita sa palayaw nito na “Chiz”.
Sa halip, mas pinili ni Allan Carreon na nagpakilala rin sa alyas na Intergalactic Ambassador, si Sen. Ferdinand “Bongbong’ Marcos.
Sabi ni Carreon na malaking factor ang pangalan ng isang tao sa pagkatao nito. Ang pangalang Marcos ay nagpapakita anya ng pagiging malakas at determinado at mataas na pangarap.
Kinuwestiyon naman niya kung bakit pumayag si Escudero na ‘Chiz’ ang itawag dito kaya naman ang pagkatao umano nito sa tingin ng publiko ay nagpapakita ng kawalan ng sinseridad, at tila may itinatago umanong katiwalian.
“Hindi mabuting tawagin siyang Chiz, parang isa itong joke,” pahayag ni Carreon na nagdagdag na hindi magtatagal ang kasal ng senador at misis na si Heart Evangelista kung saan ang aktres umano ang siyang iiwan sa senador makalipas lamang ang ilang taon.
Ani Carreon bago lamang sa pulitika ang apelyidong Escudero kaya mas pabor siyang idikit ang kanyang pangalan sa Marcos na matagal na umano sa gobyerno.
Binanggit pa niya na hindi dapat sisihin ang mga Marcoses sa martial law dahil nakatadhana itong mangyari para maging leksyon ng nakaraan at maging maganda ang kasalukuyan.
Ang hindi pagsang-ayon naman ni Marcos sa Bangsamoro Basic Law ang isa sa nais baguhin ni Carreon sa senador. Aniya, kailangan ng BBL sa Mindanao para magkaroon na ng kapayaaan sa buong bansa.
Sinabi pa ni Carreon na dapat ding magpasalamat ang pamilya ni Pangulong Aquino sa mga Marcos dahil nailinya ang kanilang pamilya sa kasaysayan na kung wala umanong martial law ay hindi naging pangulo ng bansa si dating Pangulong Corazon Aquino at hindi nakilala sa showbiz si Kris Aquino.
Nang tanungin kung ano ang kanyang plataporma sinabi ni Carreon na bilang intergalactic ambassador ay nais nya na magkaroon ng wifi sa buong bansa, wakasan ang korupsyon na nagpapahirap sa taumbayan at proteksyon para sa lahat.