Pacquiao senatorial candidate din ng UNA ni Binay

Kasamang naghain ni Manny Pacquiao ng certificate of candidacy ang kaniyang pamilya. Philstar.com/Jonathan Asuncion

MANILA, Philippines —Tiwala ang gagamiting sandata ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa pagtakbo niya bilang senador sa eleksyon 2016.

Naghain ng kaniyang certificate of candidacy si Pacquiao ngayong Biyernes sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros.

Tatakbo sa ilalim ng tiket ng United Nationalist  Alliance (UNA) ni Bise Presidente Jejomar Binay ang eight-division boxing champion.

Nais sana ni Pacquiao tumakbo sa ilalim ng pamumuno ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ngunit hindi naman tatakbong pangulo ang alkalde.

Pagtutuunan ng pansin ng boksingero ang kapayapaan sa Mindanao at ang sports kung sakaling palarin at manalo.

"Sa ilang ulit kong paglaban, wala akong taglay na sandata kundi tiwala," pahayag ni Pacquiao na kasama ang kaniyang asawang si Jinkee.

"Sa araw na ito si Manny Pacquiao ay nasa harap ninyo tumutugon sa paghamon hindi para sa sarili kundi para sa inyo," dagdag niya.

Kararating lamang sa bansa ni Pacquiao na tumanggap ng parangal na Asia Game Changer for 2015 ng Asia Society sa New York, USA.

Show comments