MANILA, Philippines – “Iniaalay ko po ang aking sarili sa mas malawak na paglilingkod bayan sa pagtakbo bilang inyong bise presidente”.
Ito ang deklarasyon ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo kasunod ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) kahapon ng umaga sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila.
Kasama ni Robredo na naghain ng COC si LP standard bearer Mar Roxas.
“Sa pagharap po namin sa inyo ni Mar Roxas ngayong umaga, ang pinapangako po namin ay ang pagpapatuloy, pagsusulong, at lalong pagpapalawak ng makabuluhang pagbabago na sinimulan ng ating mahal na Pangulo,” wika ni Robredo.
Kumbinsido ang tambalan na sa tulong ng Daang Matuwid, maipagpapatuloy ang malinis na pamamahala at pagbibigay serbisyo sa mahihirap upang maiparating ang kaunlaran sa lahat ng sulok ng ating bansa.
“Umaasa po ako na sasamahan ninyo po kami sa mga darating na buwan upang maisakatuparan ang ating mga pangarap para sa bawat pamilyang Pilipino,” wika ni Robredo.
Nagpasalamat din si Robredo sa mga tagasuporta na nagtungo sa Comelec upang magpahayag ng tiwala at suporta sa tambalan.