MANILA, Philippines – Simula na ngayon ang paghahain ng certificate of candidacies (COCs) sa Comelec ng mga kandidato sa May 2016 elections.
Kasabay nito, kanselado ang pagpaparehistro ng mga botante at muling bubuksan sa Oktubre 17, Sabado.
Nanawagan naman si Comelec Chairman Andres Bautista para sa kaayusan ng magiging proseso ng paghahain ng COCs ngayon. Aniya, pahihintulutan nila ang pagdadala ng mga banda ng mga taga-suporta ng mga kandidato, subalit kailangan lamang na tiyakin ng mga ito na nasa maayos na paraan.
“Sa aking palagay itong gagawin natin sa linggong ito ay parang we are celebrating our democracy,” ani Bautista.
Nakipag-ugnayan na rin ang Comelec sa MMDA at PNP para masiguro ang kaayusan sa lugar.
Samantala, ngayon inaasahang pupunta si Vice President Jejomar Binay sa Comelec para maghain ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo.
Tatanggapin pa rin ng Comelec ang ihahaing COC ni Sen. Grace Poe para sa pagtakbo nito bilang pangulo sa 2016 sa kabila ng tumatakbong kaso ng senadora sa Senate Electoral Tribunal (SET) kaugnay ng citizenship nito.
Sinabi ni Bautista na wala pang pasya ang SET kaya’t malaya pa si Poe na maghain ng kanyang COC.
Nilinaw din ng Comelec na wala pa silang pagbabawalang maghain ng COC ngayong linggo kabilang na ang mga nuisance candidates.
Ayon kay Bautista, may direktiba siya na tanggapin ang lahat ng magsusumite ng kanilang COC.
Sa Disyembre 10 nakatakdang ilabas ng Comelec ang opisyal na pangalan ng mga kwalipikadong kandidato na lalabas sa balota.