MANILA, Philippines – Isinulong ni world boxing idol at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang kagyat na pagpapatibay ng panukalang magbabawas sa mga corporate at individual income tax.
Ipinalabas ni Pacquiao ang pahayag sa gitna ng pagdudumali ng mga awtor ng panukalang-batas sa House of Representatives na maaprubahan ito bago matapos ang taon.
“Isa iyang pamamahala sa pondo ng bayan na pera rin ng mga taxpayer. Ibinabalik niyo lang sa kanila,” sabi ni Pacquiao na nagdeklara kamakailan na kakandidato siyang senador sa halalan sa 2016.
Ayon naman kay Marikina City Rep. Romero Quimbo, tagapangulo ng House committee on ways and means at principal author ng bill, buhay pa rin sa Kongreso ang panukala kahit walang suporta ng Malacañang at ng Department of Finance (DOF).
Sinabi pa ni Quimbo na meron pang panahon para maipasa ang panukala.
Ipinaliwanag niya na nasa tatlong antas ang tax reform effort sa House. Sinusuportahan anya ni Speaker Feliciano Belmonte ang kagyat na pagpapatibay ng nakabimbing panukalang-batas.
Samantala, isasabay na lang ni Pacquiao ang pag-aanunsiyo kung saan partido ito sasama sa darating na eleksyon sa paghahain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) sa susunod na linggo.
Sa panayam kay Pacquiao, inamin nito na kasado na ang pagtakbo niya sa pagka-senador sa 2016 elections at maghahain na siya ng COC pagbalik nito sa Pilipinas mula sa New York ,USA kung saan awardee siya bilang Game Changer.