MANILA, Philippines – Pinasisibak sa Liberal Party ng isang masugid na supporter ng partido kay Mar Roxas si Pangasinan Gov. Amado Espino Jr. dahil sa kasong plunder bunsod ng umano’y P800 milyong jueteng kickbacks.
Ayon kay Bugallon, Pangasinan Vice Mayor Rodrigo Orduna at LP leader sa nasabing lalawigan, malalagay sa kahihiyan ang partido nito kung isasama pa rin si Espino sa hanay ng mga kandidato ng LP sa 2016 election.
Sinampahan ni Orduna ng kasong plunder si Espino noong 2012 sa tanggapan ng Ombudsman dahil sa umano’y P2.5 milyon jueteng protection money habang ito ang gobernador noong 2007. Ngunit pinabulaanan ito ni Espino.
Binigyang-diin pa ni Orduna na magiging saliwa ang “Daang matuwid” ng LP kung susuportahan nito si Espino. Aniya sinuportahan din ng LP ang kasong plunder laban kay Espino kaya hindi tamang nasa ilalim ito ng nasabing partido.
Bukod sa nasabing kaso nahaharap din sa Ombudsman si Espino at ang iba pang opisyal ng Alexandra Mining and Oil Ventures, Inc. ng kasong dalawang ulit na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil umano sa iligal na pagmimina ng black sand sa nasabing probinsiya.