MANILA, Philippines – Asahan na ang pagtaas ng rating ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo ngayong inindorso na siya ni Pangulong Aquino bilang pambato ng Liberal Party (LP) sa bise presidente sa 2016.
Ito ang tiwalang sinabi ni Budget Secretary Butch Abad, batay na rin sa nangyaring pagtaas ng rating ni LP standard bearer Mar Roxas kasunod ng pag-endorso ni PNoy.
“Mababa ang ratings ni Mar Roxas noong hindi pa siya ineendorso ng pangulo, tignan ninyo kung nasaan si Mar Roxas ngayon. Sa palagay ko ganoon din si Leni o hihigit pa,” wika ni Abad.
Ayon kay Abad, makakaganda pa para kay Leni Robredo ang naunang alinlangan nitong sumali sa vice presidential race, dahil titingnan ng mga botante ang kanyang desisyon bilang malaking sakripisyo para sa kanila.
“Alam mo ang mga Filipino gusto nila ‘yong mga ayaw tumakbo. Gusto nila medyo hesistant dahil alam nila na mabigat na sakripisyo pero ngayon na siya ay naghahandang humarap at maglingkod, sa palagay ko malaking bagay ‘yon,” paliwang ni Abad.
Ipinabatid din ni Abad na nagtulungan ang lahat ng taga-LP upang kumbinsihin si Robredo na tumakbo, ngunit si Pangulong Aquino ang may pinakamalaking nagawa upang masungkit ang “oo” ng mambabatas.