MANILA, Philippines - Kahit hindi nasungkit ng bansa ang gold sa FIBA Asia basketball championship, paparangalan pa rin ng Senado ang Gilas Pilipinas.
Maghahain ng isang resolusyon si Senator Sonny Angara upang papurihan ng Senado ang ipinamalas na galing ng koponan ng Pilipinas na nasungkit ang silver medal.
“Silver medalist man tayo sa FIBA, pinatutunayan pa rin ng koponang Pilipinas na isa talaga tayo sa mga koponang dapat katakutan sa basketball,” ani Angara.
Hindi rin aniya dapat ikahiya ang silver medal na nakuha ng Pilipinas at dapat ipagmalaki kahit pa mas malakas ang pinakahuling kalaban na China.
“Silver ang nakuha natin, pero hindi natin dapat ikahiya ‘yan. Dapat ipagmalaki pa natin dahil kahit masasabing malakas na koponan ang China, masuwerte tayong tayo ang nakaharap nila. Patunay yan na ang lakas nila ay katumbas din ng ating lakas sa larangan ng basketball,” ani Angara, chairman ng Senate committee on games, amusement and sports.
Ang Gilas Pilipinas aniya ang nagparamdam sa bansa ng karangalan sa kasagsagan ng torneo.
Partikular na pinahalagahan ni Angara, awtor at sponsor sa naturalization ni Andre Blatche, si Manny V. Pangilinan, pangulo ng Samahan ng Basketbol ng Pilipinas dahil sa di matatawarang suporta nito sa basketball program ng bansa.
“Dinamdam man natin ang pagkatalo, masasabi pa rin nating wagas ang determinasyon at ipinakitang pagsisikap ng Gilas sa laban. Hindi nila inalintana ang hirap at pagkabigo, kundi naging inspirasyon pa ng sambayanang Pilipino,” dagdag pa ni Angara.