MANILA, Philippines – Tinanggap na ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo ngayong Lunes ang alok ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas na maging running mate niya sa eleksyong 2016.
Humarap si Robredo sa mga miyembro at taga-suporta ng LP sa Club Filipino sa Greenhills San Juan ngayong Lunes ng umaga.
BASAHIN: Kumpirmado: Robredo tatakbong VP ni Mar sa 2016
Narito ang kaniyang talumpati:
Magandang umaga po sa inyong lahat.
Dumating na po ang araw na sinusubukan naming mag-iina na harapin nang buong tapang. Hindi po madali yung paglalakbay naming patungo sa araw na ito. Ang mga nakaraang linggo ang pinakamahirap na dinaanan namin mula noong pumanaw si Jesse. Sa tagal po ng prosesong pinagdaanan upang makapag desisyon, ang kantiyaw na nga po ng iba, nagpapabebeh na daw po ako.
Noong una pong lumitaw ang pangalan ko na isa sa naiisip na puwedeng maging kasama ni Sec. Mar sa laban na ito, aaminin ko po na ang tanong ko sa sarili ko, “Bakit ako? Sa dinami-dami ng puwedeng pagpilian, bakit ako pa?”. Dalawamput limang taon po kaming mag asawa ni Jesse at sa aming matagal na pagsasama, siya lamang parati ang nasa harap-- habang ako ay nasa likod niya, nasasandalan niya -kuntento at lubos na sumusuporta.
Sa aming mga agam-agam, tinatanong po namin ng aking mga anak kung ano kaya ang gagawin ni Jesse kung siya ang nalalagay sa ganitong pagsubok. Alam po namin agad ang kasagutan. Kahit gaano kahirap, hindi niya tatalikuran ang kahit sinomang humihingi ng tulong, hindi matututulog hanggat hindi niya pa nagagawa ang kahit anumang magagawa niya para sa bayan. Magsasakripisyo, ibibigay ang lahat gaya ng pagbigay niya ng kanyang buhay noong siya ay naglilingkod pa para sa bayan. Kung nahaharap siya sa tanong na bayan o sarili, malinaw sa amin kung ano ang magiging kanyang kasagutan.
Headlines ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1Kagaya po ng tanong ni Pangulong Aquino sa kaniyang sarili noong siya ay nasa kanyang sariling sangandaan – “Makakatulog ba ako sa gabi na alam ko na may magagawa sana ako para sa bayan, ngunit ito ay tinalikuran ko at hindi ko ginawa?”
Ang pangarap ko lamang noon ay makapag abogado kagaya ng tatay ko. Kahit maaga po akong nag asawa, siniguro po ni Jesse na matutupad ko pa din ang aking pangarap. Nag aaral po ako ng abogasiya sa gabi habang nagtratrabaho ako sa araw, nag aasikaso ng pamilya, at ginagampanan ang papel bilang asawa at ina. Kahit po pinakahuli sa aking prayoridad ang pag aabogado dahil sa maraming obligasyon na ginagampanan, nakamit ko pa din po ang aking pangarap pagkatapos ng mahabang panahon ng paglalakbay.
Nuon pong nakamit ko ang matagal ko nang minimithi, ipinangako ko po sa sarili ko na gagamitin ko sa tama ang ipinagkaloob sa akin. Nagtrabaho muna po ako sa Public Attorney’s Office. Doon po ay dumipensa ako sa mga kababayan nating nasasakdal ngunit walang perang pambayad sa abogado. Pagkatapos po noon ay sumapi ako sa Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal, isang NGO ng mga abogado na tumutulong sa mga mahihirap at mga basehang sektor.
Mahabang panahon po yung ginugol ko sa pakikisalamuha sa mga magsasaka, mga mangingisda, mga manggagawa, mga maralitang panglungsod, mga kababaihan, mga kabataan, at mga katutubo. Kahit po alam ko na ang ganoong klaseng pag aabugado ay hindi magdudulot ng materyal na kaginhawahan para sa aming pamilya, marami po akong mga mahahalagang aral na napulot sa mahabang panahon ng paninilbihan sa mga mahihirap. Namulat po ako sa katotohanan na ang karaniwang Pilipino ang tunay na lakas at pag asa natin bilang bansa. Nakita ko po ang kanilang likas na dignidad, galing, at kakayahang makilahok sa pamumuno. Naranasan at nakita ko na kung mabibigyan lang sila ng kaunting tulong sa kapasidad, sila ang may mas magagandang solusyon sa mga problema kanilang hinaharap. Sila ang kailangang bigyan ng boses at mas malaking puwang sa ating bansa.
Eksaktong tatlong taon na po ngayong araw, noong October 5, 2012, inihain ko po ang aking kandidatura bilang kinatawan ng pangatlong distrito na Camarines Sur. Isang pag dedesisyon na tiwala at lakas ng loob lamang ang pinag ugatan; dala ng pangangailangan at pagkakataon na mahinto ang mahabang panahon ng panunungkulan ng isang dynasty sa aming lugar.
Gaya po ngayon, marami pong nagmamahal sa akin ang nangamba sa aking desisyon dahil sa kawalan ko ng preparasyon. Maraming nagmamahal sa asawa ko ang sumubok na pigilan ako sa pagkatakot na baka mayurakan lamang ang magandang pangalan na kanyang iniwan sa pagpasok ko sa maruming mundo ng pulitika. Ngunit noong panahon pong iyon, buo yung aking kalooban. Iyon ang laban na hindi dapat talikuran hindi dahil sa kagustuhang magkaroon ng kapangyarihan, kundi dahil sa pagkakataong manilbihan ng mahusay sa ating bayan.
Hindi po ako si Jesse. Ngunit noong namatay po siya, maliwanag po sa aming mag-iina na siya ay umaasa, na sa abot ng aming makakaya, susubukan din naming magsakripisyo, gaya ng kanyang pagsasakripisyo, para makapag ambag para sa ating bayan. Yung nakalipas na mahigit na dalawang taon po ang saksi na aking nasuklian naman ang aking kakulangan sa paghahanda ng matapat na panunungkulan. Sa aking paninilbihan bilang Kinatawan, ipinaglaban ko po ang karapatan ng mga naka tsinelas –‘yong nasa ibaba, nasa labas, at nasa laylayan ng ating lipunan. Isinulong natin ang mga panukalang batas na nagbibigay ng puwang para pakinggan ang boses ng karaniwang Pilipino at bigyan sila ng pagkakataong makilahok sa pamumuno. Gumawa din po tayo ng mga panukalang batas na magsusulong ng mga sistema kung saan sinisiguro na ang ating mga pinuno ay hindi maliligaw ng landas o mabubulag ng kapangyarihan. Tapat, malinis at bukas na pamamahala ang buod ng ating mga isinusulong, dahil sa paniniwala na sa ganitong paraan lamang tayo tunay na makakapagsilbi at sa ganitong paraan lamang natin masisiguro na mabigyan ng halaga ang lahat ng umaasa sa atin.
Patuloy po naming binibigyan ng lunas ang kakulangan ng mga silid aralan, maayos ang aming paghahanda sa mga sakuna, at mabago ang aming kahinaan sa pangangalaga ng kalusugan sa aming distrito. Gumagawa po kami ng mga paraan upang magkaroon ng maayos sistema na magbibigay ng sapat na kabuhayan sa mga kababaihan at mga manggagawa, na syang magbibigay rin ng oportunidad na kumain ng maayos at sapat ang ating mga mga kababayan. Linggo-linggo po ay bumababa ako sa aking distrito at umiikot, sinisiguro na nabibisita ang mga pinakamalalayong mga barangay na matagal nang hindi nabibigyan ng pansin. Ito po ay sa paniniwalang magkakaroon lamang ng puso at mabibigyan ng lalim ang aking paninilbihan kung personal kong nararamdaman ang kahirapan na pinagdaraanan ng aking mga kababayan.
Araw-araw, ramdam ko pa rin ang pagkawala ni Jesse. Pero araw-araw, ramdam ko rin na buhay na buhay pa rin ang mga pangarap niya. Nakikita ko ito sa mga anak namin. Nakikita ko ito sa mga nakakasalamuha ko araw-araw na hindi pumapayag na hanggang dito na lang tayo. Na patuloy nangangarap kung anong pwede tayong maging. Ang kanyang pamana at mga pangarap para sa bayan ay buhay na buhay pa sa isip at puso ng karamihan sa atin. Tuwid na daan, malinis na pamumuno, pamahalaan na bukas sa pakikilahok ng karaniwang Pilipino, pagtataguyod ng mga sistema na magsisiguro na ang mga magkakaroon lamang ng puwang sa ating pamahalaan ay yun lamang mga tapat at matitinong lingkod bayan.
Noong buhay pa po si Jesse, matagal na panahon niyang katuwang si Sec Mar Roxas sa maraming pagsubok na hinarap sa pagsulong ng daang matuwid. Magkasabay po silang nangarap ng maganda para sa bayan. Malinaw po sa akin na si Sec Mar Roxas ang magpapatuloy sa daang matuwid na sinumulan ng administratsyon ng ating mahal na Pangulo. Ang daang matuwid po ang magsisiguro na hinding hindi makakalimutan ang mga taong madalas napag-iiwanan. Hindi po kumpleto ang trabaho ng daang matuwid hanggat may napag-iiwanan sa laylayan. Malinaw po na ang daan patungo sa kaunlaran ay ang daang nagtataguyod ng maayos na buhay para sa lahat.
Sa lahat po nang nagpahayag ng suporta, pangamba, pagkatakot, pati na pakikiramay at sa lahat na nag alay ng dasal, mula sa ating mga tinitingala at lalong-lalo na sa karaniwan nating mga kababayan, taos puso po akong nagpapasalamat sa lahat sa inyo. Kayo po ngayon ang pinaghuhugutan ko ng lakas.
Sa akin pong pamilya sa Pangatlong Distrito ng Camarines Sur, nais ko pong malaman ninyo na hinding hindi ko po kayo tatalikuran at iiwan. Nasaan man ako, ang pagkalinga at pagsisilbi ko sainyo ay patuloy pa rin. Hinihingi ko po sa inyo na sabay sabay pa din nating ipagpatuloy ang pagbabago nating sinimulan, at huwag na sana po nating hayaan manumbalik pa ang mga dating kabuktutan.
Nagpapasalamat po ako sa aking pamilya, lalong lalo na po sa aking mga anak, sa pagbibigay ng kanilang basbas. Hindi po ako susulong sa laban na ito kung hindi ko sila kasama. Ang pamilya po ang buod ng pagkatao namin ni Jesse bilang mga lingkod bayan. Sa gitna na maraming pagsubok sa aming kahinaan, ang aming pamilya ang aming inspirasyon para piliin ang mas malinis na daan, kahit ito pa ang mas mahirap. Noong kinuha po sa amin ng bigla si Jesse, ang tanong po namin ay “Bakit kailangan mangyari ang nangyari?”. Noong bigla po akong kumandidato bilang kinatawan ng aking distrito, nagtanong din po kami, “Bakit kailangan mangyari ang nangyari?”. Ngayon po na nalalagay na naman kami sa sangangdaan na ito, pareho pa din ang aming tanong. “Bakit kailangan mangyari ang nangyayari?” Gaya po ng dati, nabubuhay kami sa alaala ng parating sinasabi ni Jesse noong nabubuhay pa siya. “Tiwala lang. May dahilan ang lahat na nangyayari. Dahil sa kahuli hulihan ng lahat, ang mabuti ang parating mananaig. Ang tama ang parating magtatagumpay”. Ipinapangako ko po na hindi ko kakalimutan ang aking tungkulin bilang magulang na maging huwaran ng pagmamahal sa kapwa at paglilingkod sa bayan. Ipinapangako ko din po na hindi ko kakalimutan na asawa ako ni Jesse at nasa balikat ko po ang obligasyon na buhayin muli ang kanyang halimbawa ng pagiging isang tapat na lingkod bayan.
Matapos po ng malalim na pag-iisip, malawak na konsultasyon, at taimtim na dalangin – buong puso, buong pananampalataya at buong-tapat ko pong tinatanggap ang hamon na tumakbo bilang pangalawang pangulo ni Mar Roxas. Ibinibigay ko po ang aking sarili ng buong buo sa ating mga kababayan, lalong lalo na sa inyong mga tsinelas na nasa labas, nasa ibaba at nasa laylayan ng lipunan.