MANILA, Philippines – Naniniwala ang isang Obispo na dapat na magsorry ang pamunuan ng Liberal party lalu na ang Pangulong Benigno Aquino III dahil sa malaswang palabas sa birthday party ni LP member Congressman Agarao.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo,Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, dapat ipatupad ng partido ang command responsibility at hindi ang paghuhugas kamay ng mga matataas na pinuno ng LP.
Inihayag ng Obispo na hindi tamang magdeny ang mga kandidato ng LP sa halip ay humingi ng tawad sa taumbayan dahil sa ipinakita nilang pagpapababa sa dignidad ng mga babae dahil sa kalaswaan ng palabas.
“Iyan ay talagang malaswang nangyari at dito nakita natin yung traditional politics trapo na kahit ano gagawin para makuha ang atensiyon ng mga tao kaya dito ay kailangan na mag sorry ang LP at magsorry din si P’Noy dahil siya yung head ng LP sa ganitong pangyayari,” ani Pabillo.
Iginiit ng Obispo na nararapat ding magsorry sina Mar Roxas, Atty. Francis Tolentino sa halip na magdeny sa maling nagawa. Sinabi ng Obispo na kailangan ding mangako sina Roxas at PNoy na sa kanilang pangangampanya ay hindi na sila gagawa ng ganitong mga pamamaraan na malaswa na hindi in good taste.
Aniya, mas lalo pang pinababa ng mga pulitiko ang kanilang dignidad. Mas dapat umanong ipakita ng mga lider ng bansa ang magandang image at hindi malaswang palabas. Giiit ni Pabillo ito na rin ang nagiging batuhan na naman ng bintang, command responsibilty.