MANILA, Philippines - Binanatan kahapon ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang standard bearer ng administrasyon sa 2016 na si dating DILG Sec. Mar Roxas dahil sa pagkontra nito sa panukalang reporma sa sistema ng pagbubuwis sa bansa.
Ayon kay United Nationalist Alliance (UNA) spokesman Mon Ilagan, pagpapakita lamang na ang “objection” ni Roxas sa tax reform ay kawalan niya nang malasakit sa mga pangkaraniwang manggagawa at mahihirap na mamamayang Pilipino.
Sinabi ni Ilagan na hindi na sila nagtataka sa pagkontra ni Roxas dahil ipinakikita lamang umano nito ang tunay niyang kulay bilang isang miyembro ng mga elite na walang malasakit sa dinaranas na paghihirap ng pangkaraniwang mamamayan.
“Lumabas lamang ang kanyang (Roxas) tunay na kulay: Na ang kandidato ng Liberal Party ay mula sa hanay ng oligarkiya na walang malasakit at hindi alam ang nangyayari sa labas ng kanyang bakal na pintuan sa Cubao,” ani Ilagan.
Nabatid na isinusulong ng may 18 grupo kabilang ang hanay ng business trade, professional at labor, ang tax reform. Gayunman, kinontra at pinagkibit-balikat lamang ito ni Roxas.
“Sa labindalawang buwan na sinusuweldo ng isang manggagawang Pilipino sa isang taon, ang mahigit tatlong buwan niyang sahod ay napupunta sa pagbabayad ng buwis kapalit ng palpak na serbisyo na ibinibigay ng pamahalaan,” pahayag ni Ilagan.
Palaisipan umano sa nakararaming Pinoy ang sinasabing pagbabago o pag-unlad na naibigay o ibibigay pa ng pamahalaan sa mga mamamayan mula sa “Tuwid na Daan” kung ang bansa naman ay sinasabing may pinakamataas na tax rate sa buong Asya.
“Kung hahayaan natin ito at hindi tayo kikilos na ma-amyendahan ang sistema ng pagbubuwis sa bansa, darating ang araw na ang tax rate ng mga guro, pulis, sundalo, at nars ay sintaas na ng tax rate ng mga milyonaryo sa bansa,” giit ni Ilagan.
Binigyang-diin pa na para makabawas sa pahirap sa mamamayan na nasa middle class, kailangang magkaroon ng adjustment o pagpapababa sa tax brackets sa kasalukuyang inflation rates.
“Our tax system must be seen as fair—meaning, those with fat pay checks pay higher taxes than those whose pay checks are less—and inflation-adjusted tax brackets, albeit reduction of tax revenues— is simply just,” dagdag pa ni Ilagan.
Sinabi pa na ang income o kita ng gobyerno na maaaring mawala mula sa reformed tax system ay isang porsyento lamang ng 2016 budget o P30 bilyon ng panukalang P3.002 trilyong budget.
“Maaari itong mabawi sa ibang paraan tulad ng pagpigil sa pagwawaldas ng pera ng bayan ngayon panahon ng kampanya at mas pinahusay na pagkolekta ng buwis,” pahayag pa ni Ilagan.
Idinagdag pa na ang Aquino administration ay may natipid (underspend) na P125 bilyon budget mula 2011 hanggang 2014, kung kaya ang P30 bilyon umano ay madaling mapapalitan mula sa hindi nagamit na pondo.
“Sa hirap at ginhawa ay dapat nararamdaman ng mga mamamayan na nariyan lang sa kanilang harapan ang gobyerno. Ngunit nakakalungkot na mistulang bulag, pipi at bingi ang Administrasyon sa nangyayaring kawalan ng katarungan sa manggagawang Pilipino,” ani Ilagan.