Reyes brothers may ugnayan kay ex-Makati Vice Mayor Mercado

Former Palawan Gov. Joel Reyes (kanan), ex-Coron Mayor Mario Reyes Jr. Philstar.com/AP File

MANILA, Philippines – Hiniling ng kampo ni Vice President Jejomar Binay na agarang imbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang ulat na posibleng may ugnayan si dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado sa umano’y pagtatago ng mga suspects sa Gerry Ortega murder na sina dating Palawan governor Joel Reyes at kapatid na si dating Coron Mayor Mario Reyes bago sila maaresto sa Thailand.

Ayon kay Atty. Rico Quicho, kung totoo ang nasabing ulat mula sa isang source ng Philippine National Police na nailathala sa isang pahayagan, kailangang maalis na sa Witness Protection Program (WPP) si Mercado at harapin ang anumang kaso nito dahil sa ginawang pakikipag-transakyon sa Reyes brothers habang nagtatago sa Thailand.

Napag-alaman ng mga imbestigador ng PNP na kanilang na-trace ang numero ng Reyes brothers sa pamamagitan ng technical research and data, at SMS records via contact numbers 66834540216 at 6699486167.

Ang iba pa umanong tawag at text messages na ginawa ng magkapatid na Reyes ay para sa isang misis, isang  resort owner, isang fishing executive at kay Mercado, na napabalitang nagmamay-ari ng resort at sabungan sa Palawan.

Hindi naman tinukoy ng source kung mino-monitor ng PNP si Mercado nang siya ay lumutang sa Senado sa pagsasagawa ng Senate subcommittee inquiry laban kay Binay dahil sa ibinabatong umano’y mga anomalya sa Makati tulad ng overpriced Makati City Building 2.

Sinabi pa ng PNP na ang cellphone number na 6699486167 ng mga Reyes ay tumawag sa mga cellphone numbers na 0926-6442255 ng 14 beses; 0916-4004126, anim na beses; 0916-4007807, limang beses; tig-dalawang beses sa 0915-3523916, 09064103828, at 66819781011(isang Thai number); at at tinawagan din ng tig-isang beses ang 0917-4751533, 0915-4612940 at 0927-9453056.

Bunsod nito, binigyang diin ng PNP na kanilang kakasuhan ang sinuman na tumulong sa pagtakas at nagkanlong sa isang fugitive o pugante.

Ang magkapatid na Reyes ay inakusahan na utak sa pagpatay sa environmentalist at broadcaster na si Gerry Ortega noong 2011.

Nang magpalabas ng warrant of arrest ang korte noong 2012, tumakas ang Reyes brothers patungong Thailand at nagtago doon ng ilang taon.

Nitong Setyembre 21, sila ay naaresto sa Phuket, Thailand dahil sa paglabag sa immigration laws o pagiging overstaying at dito sila inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detective Management Group (CIDG) sa pakikipag-ugnayan sa Thai authorities.

Ang magkapatid ay nakatakdang iharap sa korte sa Palawan bukas, Oktubre 2 para sa kanilang itinakdang arraignment.

Show comments