MANILA, Philippines – Palabas na ngayong umaga, araw ng Martes ang bagyong si Jenny sa Philippine area of responsibility pero maapektuhan pa rin nito ang habagat na siyang magdudulot ng mga pag-uulan sa bansa.
Alas-11ng umaga kahapon, si Jenny ay namataan ng PagAsa sa Batanes Group of Islands sa layong 355 kilometro ng hilagang silangan ng Itbayat, Batanes taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 185 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 220 kilometro bawat oras.
Si Jenny ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.
Ngayong umaga, si Jenny ay inaasahang nasa layong 550 kilometro ng hilagang kanluran ng Itbayat, Batanes o nasa labas na ng bansa.
Bago lumabas sa PAR si Jenny ay lumakas ito at isinailalim sa signal number 1 ng bagyo ang Itbayat Batanes.