MANILA, Philippines – Mahaharap sa patung-patong na kaso ang Harbour Center Port Terminal Incorporated (HCPTI) bunsod umano ng pagtatago nito ng bigas ng National Food Authority (NFA) ng walang permit.
Ito naman ang binigyan diin ni National Coalition of Filipino Consumers (NCFC) spokesperson BenCy Ellorin kasabay ng kahilingan ng mga ito sa NFA na siyasatin ang alegasyon na nagtatago ng tone-toneladang NFA rice ang HCPTI.
Ayon sa grupo, kailangang kumilos ang NFA dahil maliwanag na paglabag ito sa government rules. Kung saan tanging ang mga NFA-accredited warehouses ang pinapahintulutang magtabi ng bigas.
Nakasaad na paglabag ang ginawa ng HCPTI sa Republic Act No. 7581, o ang Price Act Law, na may parusang pagkakakulong ng lima hanggang 15 taon bukod pa sa pagkakatanggal ng accreditation at paglalagay sa blacklist.
Sinabi pa ng NCFC na nakatanggap sila ng report na ang warehouse ng HCPTI ay may nakaimbak na NFA rice sa kabila ng kawalan ng accreditation mula sa NFA. Nangangamba din ang grupo na posibleng ginagamit ang HCPTI ng mga smuggler upang manipulahin ang presyo ng bigas sa merkado.