MANILA, Philippines – Tumindi pa ang lakas ng bagyong Jenny habang patuloy na binabagtas ang karagatan sa hilagang silangan ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) kahapon.
Sa alas-11 ng umagang advisory ng kagawaran, si Jenny ay magdadala ng katamtaman hanggang sa matinding pag-ulan sa loob ng 600 kilometrong diametro nito.
Base sa ulat, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 590 kilometro sa silangan hilagang silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 175 km bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong hangin na aabot sa 210 km bawat oras.
Nasa signal number 1 naman ang Batanes Group of Islands.
Gumagalaw ang bagyo patungong silangan hilagang silangan sa bilis na 15 kilomentro bawat oras. Inaasahan na sa Miyerkules ng umaga ay makakalabas na ng Philippine area of responsibility ang bagyong Jenny.
Wala nang inaasahan na landfall ngunit sa ngayon magkakaroon ng mga kalat-kalat na pag-ulan sa Luzon at Visayas dahil sa habagat na pinag-iibayo ng bagyo.