MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na hindi mabibigyan ng hospital arrest ang magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes dating Coron Mayor Mario Reyes na kasalukuyang nakapiit sa Palawan.
Ang paniniyak ay ginawa ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte kung saan sinabi nito na naniniwala silang magiging matibay ang paninindigan ng Department of Justice sa pagkontra sa napaulat na hospital arrest na posibleng ihirit ng Reyes brothers.
Bagaman at dapat hayaan sa korte ang pagpapasya, siguradong hindi papayagan ni Justice Secretary Leila de Lima ang hiling ng Reyes brothers.
“Tingin ko magiging matibay o… Secretary (Leila) de Lima will have a strong position on that and hayaan na lang po nating mag-decide ang ating Justice department, lalo na ho Palawan RTC (regional trial court) ang may jurisdiction na po doon sa magkapatid na Reyes,” ani Valte.
Kailangang nasa kulungan ang dalawa lalo pa’t murder ang kaso ng magkapatid na kinakaharap sa bansa.
Maraming isyu na dapat na bigyang linaw ng magkapatid na Reyes matapos ang krimen at pagtatago nila sa Thailand.
Sinabi ni Valte na magko-komento sa sinasasabing hospital arrest ang prosekusyon lalo pa’t buhay turista naman ang magkapatid noong sila ay nasa Thailand na kapwa nahaharap sa kasong pagpatay sa environmentalist na si Gerry Ortega.
Matatandaan na bagaman at nakatakas palabas ng bansa, nahuli naman ang Reyes brothers sa Thailand.