MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Pinoy ang kabilang sa daang-daang nasawi sa stampede sa Hajj pilgrimage sa Mina, Saudi Arabia kamakalawa.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Charles Jose, kinumpirma ng Phil. Consulate General sa Jeddah na isang Pinoy ang nasawi sa naganap na stampede sa Mina na ikinasawi at ikinasugat ng daan-daang katao.
Sinabi ni Jose na base sa rekord ng DFA, may 8,130 Pinoy mula sa 1.4 milyong dayuhan ang nakatala na kasama sa may 2 milyong pilgrims na dumadalo ngayong taon sa 5-araw na Hajj pilgrimage sa pagsisimula ng Eid al-Adha holiday sa Saudi.
“Our Phil.Consulate General in Jeddah has confirmed that one local Filipino pilgrim died in the stampede in Mecca,” ani Jose.
Sa huling tala ng Saudi Arabia Defense Ministry, umaabot na sa 717 katao (pilgrims) ang nasawi habang 863 ang sugatan sa tent city ng Mina, may 5 kilometro o 3 milya ang layo sa holy city ng Mecca noong Huwebes.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Saudi authorities sa sanhi ng stampede. Lumalabas na bandang umaga habang dinadagsa ng pilgrims ang intersection ng streets 204 at 205 nang magkagulo ang mga deboto habang isinagawa ang “Stoning of the Devil” rites.
Sa Mina na tinaguriang tent city, nakatayo ang may 160,000 tents na pansamantalang tinutuluyan ng mga pilgrims na dumadalo sa Hajj pilgrimage.
Sa kasaysayan, ito na umano ang pinakamalaking trahedya na naganap sa Hajj pilgrimage matapos ang dalawang dekada.
Nauna rito, mahigit 111 pilgrims din ang nasawi nang bumigay at bumagsak ang malaking crane sa Mecca nitong Setyembre 11, 2015, may dalawang linggo na ang nakalilipas.