MANILA, Philippines – Ikinokonsidera din ng kampo ni Senator Grace Poe ang deoxyribonucleic acid (DNA) para patunayan ang kaniyang pinagmulang dugo ay Pinoy o biological parents, bukod pa sa iginigiit na prinsipyo ng ‘foundling’ o ‘abandoned’ child kung saan ito natagpuan. Sa isinagawang oral arguments kahapon ng Senate Electoral Tribunal sa Supreme Court hinggil sa quo warranto case na inihain ng isang Rizalito David laban kay Poe, ihinayag ng kaniyang abugado na si Atty. Alex Poblacor na nasa proseso na sila ng pagsasailalim kay Poe sa DNA test para sa probable parents nang siya ay hamunin na patunayan na siya ay natural born citizen ng Pilipinas.
“We are already in the process of conducting DNA test for probable parents of the senator,” ani Poblador sa SET.
Sa oras na lumabas na ang resulta ng DNA testing ay ilalahad nila ito sa korte. Maari umanong humigit kumulang sa dalawang linggo ay malalaman na ang findings. Iginiit din ni Poblador ang presumption of law ay maaring iaplay sa kaso ng senadora kahit ito ay natagpuan lamang o inabandona.
“The generally acceptable principles of international law, treaties and conventions show that a foundling found in the Philippines is presumed to have Filipino biological parents, making him or her a natural-born Filipino citizen, “ ani Poblador.
Bilang tugon, ipinaliwanag ni Senior Associate Justice Antonio Carpio, chair ng Senate Electoral Tribunal, na kapag nagkaroon ng match sa DNA testing, ito ay ituturing na conclusive presumption sa ilalim ng rules of court. Pinaghahain ng SET ang magkabilang panig ng memorandum sa loob ng 15 araw.
Nang sabihin naman ni SET member SC Associate Justice Arturo Brion, na dapat ay patunayan ni Poe na siya ay may mga magulang na Filipino ay sumagot si Poblador na si Rizalito David ang maglatag ng ebidensiya na banyaga ang mga magulang ng senadora.
“The petitioner must show that Senator Poe’s parents are foreigners. We do not have the burden of proof,” ani Poblador.
Kabilang sa inaalam ang kuwento na isang Edgardo Militar ang kaniyang ama na sinasabing signatory sa foundling certificate, na nakapulot kay Poe sa simbahan.
Payag naman umano ang mga kaanak nito na makipagtulungan kung siya ay nagmula sa lahi nito.