MANILA, Philippines – Matapos na umangat sa ikalawang pwesto sa isinagawang SWS survey si Mar Roxas, muling hinikayat ng ilang kongresista si Sen. Grace Poe na tumakbong Bise Presidente na lamang sa manok ng administrasyon.
Sinabi nina Quezon City Rep. Bolet Banal at LPGMA partylist Rep. Arnel Ty na hindi lang basta na overtake ni Roxas si Vice President Jejomar Binay kundi kaunti din na lang ang lamang nito kay Poe sa pagka-presidente. Dahil dito kaya hindi pa naman umano huli ang lahat para magdesisyon ang Senadora na tumakbong VP ni Binay. Iginiit pa ni Banal na malayo pa ang kampanya subalit natutuwa ang mga taga Liberal Party (LP) sa naging resulta dahil ibig sabihin umano nito na tumutugon ang mga Pilipino sa panawagan ni Pangulong Aquino na tuwid na daan.
Para naman kay Ty, maaari pang ilaglag ni Poe ang kanyang Presidential aspiration lalo pa at hindi pa naman ito naghahain ng certificate of candidacy.
Bukod dito kailangan umanong maging handang handa si Poe bilang political leader sa pamamagitan ng pagsabak sa Vice Presidential race na tiyak naman umano na unbeatable ito. Bata pa rin naman umano ang Senadora sa edad na 47 at uubra na siyang kumandidato sa pagka Presidente sa 2022 kung kailan ay 53 taong gulang na ito.
Sa isinagawang SWS survey nitong unang bahagi ng buwan ng Setyembre ay nangunguna si Poe na may 47% na 5% ang itinaas sa ratings, pumangalawa si Roxas na may 39% o 18% ang increase sa ratings habang si Binay ay 35% mula sa dating 34% noong June.