MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang broadcast network na ABS-CBN sa student council ng University of the Philippines-Los Baños, Laguna dahil sa maling pagbabalita hinggil sa naging forum nito na dinaluhan ni Vice President Jejomar Binay noong Setyembre 16.
Nanawagan naman ang social media strategist na si Tonyo Cruz sa naturang television station na humingi rin ng paumanhin kay Binay dahil inilagay ito sa kahihiyan.
Sa isang pahayag, sinabi ng ABS-CBN na, “Ang ABS-CBN News ay mataimtim na humihingi ng sinserong paumanhin sa mga estudyante ng UP Los Baños dahil sa pagkakamali ng ABS-CBNNews.com sa mga balita nito hinggil sa naturang forum.”
“Dahil sa pagsisikap ng isa sa aming mga manunulat na makapagbigay ng higit na komprehensibong coverage sa forum, inakala niyang ‘trapo’ ang salitang ‘sample’. Agad namin itong itinuwid nang alertuhin kami hinggil sa kamalian noong Setyembre 16. Papatawan namin ng aksyong pandisiplina ang may kagagawan sa kamaliang ito,” paliwanag ng ABS-CBN.
Sinabi pa ng ABS-CBN na isinakay nito sa website nito ang iba pang artikulo hinggil sa forum para makapagbigay ng iba pang perspektiba hinggil dito.
Nauna rito, iniulat ng ABS-CBN na kinantiyawan umano si Binay sa naturang forum habang sumisigaw ang mga estudyante ng “trapo” (traditional politician). Iniulat na nabastusan umano si Binay sa ginawa ng mga tao.
Pero nilinaw ng mga estudyante na ang isinisigaw nila ay sample! Sample! at inuudyukan nila si Binay na magsayaw makaraang matapos ang isang intermission number ng mga faculty member. Kinalaunan nang araw ding iyon, binago ng network ang istorya at iniulat na nasiyahan si Binay sa UPLB forum.