MANILA, Philippines – Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Surigao del Sur matapos umabot na sa mahigit 3,000 katutubong Lumad ang nagsilikas at pansamantalang kinakanlong sa Surigao del Sur Sports Center sa Tandag City ng lalawigan.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Caraga Region, nasa 3,227 katao mula sa 27 komunidad ng mga tribo o mga Lumad ang evacuees mula sa limang bayan ng Surigao del Sur.
Ang state of calamity ay idineklara ni Surigao del Sur Gov. Johnny Pimentel dahil malapit ng maubos ang mga relief goods o nakahandang food packs para sa mga Lumad evacuees. Ang nasabing mga food packs ay kakapusin na umano para matustusan ang pangangailangan ng mga katutubo.
Karamihan sa mga evacuees ay mula sa grupo ng mga Manobo na nagsilikas matapos ang pag-atake ng Magahat Bagani Force nitong Setyembre 1 sa Brgy. Diatagon, Lianga, Surigao del Sur kung saan nanununog ang mga ito ng eskuwelahan at kabahayan.
Sa nasabing insidente ay napatay ang mga lider ng Lumad na sina Emerito Samarca, executive director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development; Dionel Campos, lider ng organisasyon ng Lumad at pinsan nitong si Datu Juvillo.
Samantala, itinanggi naman ng Philippine Army ang paratang na nasa hit list ng AFP ang mga Lumad na nakikisimpatiya sa New People’s Army (NPA) rebels na nagsusulong ng krusada kontra gobyerno.
“The hit list allegation is a figment of the accusers’ imagination. There is no such thing as hit list in the AFP. Everybody knows that only the New People’s Army is making a hit list,” paglilinaw ni Army Spokesman Col Benjamin Hao.
“The AFP is the protector of the Filipino people, whatever his or her social, political or economic leaning is,” dagdag pa ng opisyal.