MANILA, Philippines – Inaprubahan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang 10-percent across-the-board increase ng pensyon ng mga kawani ng gobyerno.
Nilagdaan ni Aquino nitong Setyembre 11 ang Executive Order 188 ngunit sa Mayo 1 pa ito ipatutupad.
Lumusot ang pinataas na pensyon ng mga government employees dahil na rin sa rekomendasyon ng Employee's Compensation Commission (ECC).
Sinabi ni Aquino sa kautusan na lumabas sa pag-aaral ng Government Service Insurance System (GSIS) na kayang itaas ang pensyon ng mga kawani ng gobyerno kahit hindi tataasan ang inihuhulog ng bawat miyembro.
Kukuhain ang kinakailangan pondo sa reserves ng State Insurance Fund na nasa ilalim ng compensation program ng mga empleyado.