MANILA, Philippines – Nagbabala si ACT-CIS Party-List Rep. Samuel “Sir Tsip” Pagdilao sa nakaambang gusot sa organisasyon ng Philippine National Police oras na mawalan ng mandato ang Chief PNP para sa pamamahala ng kapulisan lalo’t higit sa Bangsamoro Regional Police gayong nakaatas sa Chief Minister ng Bangsamoro ang kapangyarihang ito.
Sa halip na direktang pagri-report ng Bangsamoro Police sa Chief PNP ay nasasaklaw sila ng Chief Minister, ayon ito sa BBL. Lumalabas na tila walang silbi at pakinabang ang Hepe para manduhan at gabayan ang mga kilos pantaktika, gayundin ang estratehikong paggalaw nito, kabilang ang mga kagamitan, pasilidad, at iba pang kasangkapan, ayon naman ito sa Sec. 26 ng RA 6975.
Sa ilalim naman ng Section 5, Article XI ng BBL, magsisilbing kakambal ng NAPOLCOM ang Bangsamoro Police Board sa rehiyon, at pangangatawanan nito ang kapangyarihan ng Napolcom. Kapansin-pansing hindi nagtutugma ang probisyong ito ng BBL sa mandato ng Saligang Batas at ng iba pang mga batas mula rito.
Humuhugot naman ng kapangyarihan ang Chief PNP mula sa RA 6975 o ang Department of Interior and Local Government Act of 1990, kung saan inaatasang bantayan nito ang lahat ng kilos ng PNP kabilang na ang Bangsamoro Regional Police. Kung titignan naman ang Paragraph C, Section 8, Article X ng BBL, kapansin-pansing nakasaad dito na kontrolado ng Chief Minister ang pamamahala at pangangasiwa ng Bangsamoro Police.
Pinukaw ni Pagdilao ang kamalayan ng mga Kongresista nang sumabak ito sa interpellation kamakailan sa Plenaryo. Kasama sa mga naging palaisipan sa kanya ang posibilidad ng pagkakasalungat ng PNP at ng Bangsamoro Police. Sa ganitong pagkakataon, papayag kaya ang Bangsamoro Police na magpasailalim sa saklaw na kapangyarihan sa kanila ng Napolcom? Sa gitna ng lahat, nasaan ang Chief PNP sa chain of command gayong inilalatag ng batas na siyang naglikha dito, na tanging ang Hepe ang may mandato para sa pamamahala sa kapulisan, kasama na ang Bangsamoro Police?, tanong ni Pagdilao.