China manggugulo sa 2016 polls

Isasabotahe umano ng China ang 2016 elections. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Isasabotahe umano ng China ang 2016 elections.

Sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Christian Robert Lim na may natanggap silang “intelligence reports” noong Hunyo na tatangkain ng China na guluhin ang May 2016 elections.

Ayon kay Lim, ito ang dahilan kung bakit nagdesisyon sila na ilipat sa Taiwan mula China ang paggawa ng voting machines na gagamitin sa halalan.

Nilinaw naman nito na kumpiyansa sila sa kakayahan ng Taiwan kung saan aabot sa mahigit sa 90,000 mga voting counting machine ang bubuuin doon.

Gayunman, nilinaw ni Lim na ito ay bahagi pa  rin ng contract negotiations.

Aniya, napagpasyahan na ng Comelec en banc na manggaling sa Taiwan ang gagamiting Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines sa pangamba na maapektuhan ang  national election sa isinasagawang arbitration sa pagitan ng China at Pilipinas.

Dahil dito kaya pinamamadali na rin ang pagpapa-deliver ng mga makina sa Enero 2016 bunsod sa inaasahan na nila ang pagpapalabas ng desisyon ng arbitration tribunal.

Gayunman hindi umano ito ipinaabot ng Malakanyang sa Come­lec o sa National Intelligence Coordinating Agency o NICA ang nakuhang intelligence information.

Sa halip ang Comelec na umano ang gumawa ng paraan para ilipat ang pag-manufacture sa mga makina lalo pa at wala namang magiging karagdagang gastos sa Comelec.

Show comments