MANILA, Philippines – Pinag-iingat ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Pinoy na kasalukuyan nang nagtatrabaho sa ibang bansa na huwag tumanggap ng alok na trabaho mula sa iba pang bansa.
Ayon kay POEA Administrator Hans Leo J. Cacdac, nakatanggap sila ng ulat mula sa Philippine Embassy sa Turkey hinggil sa kaso ng isang Pinay household worker na walang trabaho ngayon sa Ankara, matapos na iwanan ang kanyang dating employer sa Hong Kong.
Ayon sa Pinay na hindi muna tinukoy ang pangalan, nagtatrabaho siya sa Hong Kong nang i-recruit siya ng isang agency na nakabase sa Ankara.
Ang recruitment agency ay nagsimulang magpadala ng mga manggagawang Pinoy mula sa HK patungong Turkey noong Nobyembre 2014 kapalit ng placement fee na US$3,000.
Napapayag ng recruitment agency ang Pinay na lumipat matapos na pangakuan ng mas magandang trabaho na may mataas na suweldo sa Turkey.
Pinagbayad ang Pinay ng HK$19,000 para sa bagong trabaho ngunit pagdating niya sa Turkey noong Mayo 2015, sandali lamang siyang nagkaroon ng trabaho at na-terminate sa loob lamang ng 45 araw.
Sa kasalukuyan ay naghahanap pa ang Pinay ng bagong employer na magbibigay sa kanya ng work permit.
Ipinaliwanag naman ni Cacdac na ang ‘third-country recruitment’ ay illegal dahil ang recruiter at employer ay walang lisensya o awtoridad para mag-recruit mula sa POEA.
Madalas rin aniyang nagiging kawawa ang nahihikayat rito dahil kalimitang ang iniaalok na trabaho sa kanila ay hindi maganda o kaya’y non-existent.