PNP aalalay sa pagboto ng mga katutubo

MANILA, Philippines – Upang hindi samantalahin at maabuso ang karapatan ng mga katutubo o mga botanteng Indigenous People (IP), tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na patututukan nila sa Philippine National Police ang mga ito sa panahon ng kanilang pagboto.

Sinabi ni Comelec Commissioner Luie Tito Guia, hiningi na nila ang tulong ng PNP para bantayan ang mga IPs sa 2016 polls.

Dahil ito sa nakarating sa kanilang impormasyon na may mga insidente, partikular sa mga liblib na lugar, na ang mga katutubo ay sinasamantala ng mga pulitiko at iniimpluwensyahan ang kanilang pagboto.

Dito rin umano nagaganap ang ‘hakot system,’ kung saan mag-aalok ang kampo ng isang kandidato ng sasakyan para ihatid ang mga katutubo sa voting centers, at habang nasa biyahe ay doon sila iniimpluwensyahan at itinuturo sa kanila kung sino ang iboboto.

Sinabi ni Guia na isa ang isyu ng mga indigenous people sa tinutugunan ng Comelec, partikular ang mga nasa malalayong mga lugar na ang iba ay bumibiyahe pa ng hanggang anim na oras para lamang makaboto sa panahon ng halalan.

Patuloy umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa PNP upang ang mga ito na ang tumulong sa mga IPs sa pagtungo sa mga polling centers sa election day, sa halip na mga pulitiko, na may pansariling interes.

Show comments